Bangkay ng Belgian natagpuang naaagnas

NEGROS ORIENTAL --- Tadtad ng saksak at naaagnas na ang katawan ng isang Belgian national nang madiskubre sa loob ng tinitirahang bahay sa Dumaguete City sa probinsyang ito.

Ang biktimang pinaniniwalaang biktima ng Akyat bahay gang ay nakilalang si Patrick J. H. Verjans, 58-anyos, residente ng Upper Talay, Dumaguete City at sinasabing kasal sa isang Fe Jeraza Rafols Juego Verjans, 57, at tubong Bgy. Bagtio, Mabinay, Negros Oriental.

Ayon sa report na ipinarating kahapon sa Camp Crame, alas-2:00 ng hapon nang matuklasan ang sinapit ng biktima ng caretaker nitong si Regina Alcaran y Bendijo makaraang umalingasaw na ang masangsang na amoy mula sa kuwarto nito.

Sa salaysay ni Alcaran, una na umano itong nagdudang may hindi magandang pangyayari sa amo nang makita pa rin sa ibabaw ng mesa ang mga pinamili nitong grocery gayong 2-araw na ang nakalipas.

Agad umanong inabisuhan ni Alcaran ang maybahay ng biktima hanggang sa madiskubre ang bangkay nitong duguan sa tinamong saksak at palo ng matigas na bagay sa ulo.

(Nilo Marasigan)

02/05/2007

Bron : www.abante.com.ph

Archief - Home